Napakabilis lumipas ng panahon. Halos hindi ko namalayan na malapit na pala tayong matapos sa asignaturang PI 100. Hinding-hindi ko makakalimutan ang asignaturang ito dahil nagsilbi itong tulay para makilala ko ng lubusan si Jose Rizal (at dahil na rin sa mahal ng mga aklat na aking binili, isama pa ang pagpupuyat para matapos ang mga takdang babasahin).

Dati-rati mababaw lang ang aking pagtingin kay Jose Rizal: ang mukha sa piso, ang bantayog sa Luneta at ang kontrabidang umagaw ng titulong “pambansang bayani” sa aking idolong si Andres Bonifacio. Ngunit ngayon, sa tulong na rin ng PI 100, ibang-iba na ang pagtingin ko sa kanya, masasabi kong ang dating mukha, bantayog at kontrabida lang para sa akin ay mayroon ng malaking pitak sa aking puso at isipan (naks!).

Bago ko maabot ang kamulatang ito, may apat na taong tumulong sa aking bumuo ng aking sariling pagtanaw kay Jose Rizal. Sila ay sina Renato Constantino, Prospero Covar, Floro Quibuyen at Esteban De Ocampo.

Silang apat ay nagbigay ng malilinaw na tindig sa tatlong maiinit at tila walang-katapusang usapin tungkol kay Rizal.

__________________________________________________________

Samahan ninyo akong balikan ang kanilang mga naging tindig:

I. SINO ANG PUMILI KAY RIZAL?

CONSTANTINO: Naniniwala siya na si Rizal ay pinili ng mga Amerikano na maging pambansang bayani ng Pilipinas dahil sa mga sumusunod na dahilan: 1.) Siya ay namayapa na at hindi na kayang mag-alsa pa laban sa mga Amerikano; 2.) Siya ay mula sa uring ilustrado, ang uring naging kasabwat ng mga Amerikano; 3.) Siya ay pinaslang ng mga Kastila at hindi ng mga Amerikano; 4.) Siya ay hindi sang-ayon sa madugong rebolusyon (sinasakop pa lang tayo ng mga Amerikano noong mga panahong iyon; kung rebolusyunaryo ang pambansang bayani, baka mag-alsa ang mga Pilipino laban sa kanila gaya ng nangyari noong panahon ng mga Kastila). Sa ibang sabi, naniniwala si Constantino na ginamit ng mga Amerikano maging ang paghirang ng ating magiging pambansang bayani laban sa atin.

DE OCAMPO: Naniniwala siya na hindi ang mga Amerikano ang tuwirang pumili kay Rizal na maging pambansang bayani ng Pilipinas dahil sa mga sumusunod na kadahilanan: 1.) Ang mga gawa, sinulat, at buhay ni Rizal ay sapat ng dahilan para tanghalin siyang pambansang bayani; 2. ) Ang mga Filipino noong mga panahong iyon ay buong-pusong nagpupugay sa kadakilaan ni Rizal; 3.) Ang mga dayuhang intelektwal at dignitaryo na nakasalumuha ni Rizal ay nagpahayag din ng di-mapapasubaliang paghanga kay Rizal. Sa ibang sabi, nananiwala si De Ocampo na ang ginawang pagtanghal ng Komisyong Taft kay Rizal bilang pambansang bayani ay pormalidad na lamang dahil ito ay fait accompli ng maitututring o kailangan na lang gamitan ng sentido kumon para maunawaan.

II. DAPAT BANG DAKILAIN SI RIZAL?

CONSTANTINO: Mahigpit niyang tinutulan ang bulag na pagdakila kay Rizal. Naniniwala siya na hindi karapat-dapat tanghalin si Rizal bilang pambansang bayani dahil sa mga sumusunod na dahilan: 1.) Tumanggi siya na pumanig sa mga rebolusyonaryo ; 2.) Minaliit niya ang lakas at katalinuhan ng masa; 3.) Hindi siya kailanman nagtaguyod ng tunay na kalayaan dahil naniniwala siyang ito ay para lamang sa mga edukado at hindi isang pambansang karapatan. Tinuligsa din niya ang mga Amerikano na nanguna sa pagpili kay Rizal dahil naging mitsa umano ito ng pag-usbong ng mga kultong maka-Rizal at ng hindi natin pagpapahalaga sa iba pang mga bayani. Tinawag din niyang taksil ang mga Pilipinong pilit na binubura ang katotohanang nagtaksil si Rizal sa bayan noong panahon ng rebolusyon, lalo na ang mga Rizalista.

COVAR: Maingat niyang ini-ugnay ang mga katutubong pananampalatayang Pilipino sa pagtanggap ng mga grupong Milinaryan kay Rizal, katulad ng paniniwala natin sa kakayahang humiwalay ng kaluluwa sa katawan ng tao pansamantala at sa kakayahang sumapi ng kaluluwa ng diyos/anito sa sinumang pinili niya. Ayon kay Covar, nakasalalay sa mga paniniwalang ito ang pagtanggap kay Rizal ng mga samahang Milinaryan at Rizalista bilang bagong Kristo.

QUIBUYEN: Mahigpit niyang pinabulaanan ang kumakalat na paniniwalang purong repormista lamang si Rizal at ang mahigpit niyang pagtutol sa rebolusyon. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng masusing pagsasalin ng kanyang mga huling sulat. Ipinaliwanag din niya ang mga pangyayaring nagbunsod sa pagsulpot ng mga kultong maka-Rizal. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod: 1.) Ang pagsigaw ni Rizal ng ‘naganap na’ matapos siyang barilin ng mga Guardia Sibil (ito rin ang huling winika ni Hesus bago siya malagutan ng hininga) ; 2.) Pagbigay ni Rizal ng mga larawan ni Hesus sa kanyang mga mahal sa buhay ; 3.) Paghahalintulad ng buhay ni Rizal sa kalbaryong dinaanan ni Hesus.

III. NAPAPANAHON PA BA SI RIZAL?

CONSTANTINO: Naniniwala siya na si Rizal ay sumulat para sa kanyang panahon. Isang kahihiyan umano sa atin na yakapin ang kanyang mga kaisipan magpasa-hanggang ngayon dahil nangangahulugan lamang ito na wala pa ring nagbago sa Pilipinas. Sa ibang sabi, nangangahulugan ito na tayo ay nabubuhay pa rin sa isang mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan dahil nakikita pa rin natin ang mga karakter at pangyayari sa kanyang dalawang nobela. Ayon sa kanya, ang ating misyon sa kasalukuyan ay gawing ‘obsolete’ si Rizal, dahil dito lang natin mapapatunayan na tayo ay tunay ng malaya sa ating kolonyal na nakaraan. Dito rin natin mapapatunayan na tayo ay may kakayahang mag-isip ng mga bagong solusyon para sa ating mga problemang panlipunan.

DE OCAMPO: Pinanigan niya ang paniniwala ni Rafael Palma na ang mga aral ni Rizal ay hindi lamang para sa kanyang panahon, bagkus ito ay magagamit sa lahat ng panahon. Naniniwala siya na magagamit pa rin natin ang mga kaisipan ni Rizal magpasa-hanggang ngayon.

__________________________________________________________

Ngayong naibahagi ko na sa inyo ang naging tindig ng apat na manunulat na ito tungkol kay Rizal, hayaan ninyong ibahagi ko rin sa inyo ang aking sariling pananaw tungkol dito.

Sino ang pumili kay Rizal? Naniniwala ako na ang kasaysayan mismo ang humirang kay Rizal bilang pambansang bayani ng Pilipinas. Kung hindi man siya tinangkilik ng mga Amerika at iba pang mga banyaga, darating at darating pa rin ang isang panahon kung saan tayong mga Filipino ay magkakaisa upang dakilain siya dahil sa lawak at lalim ng saklaw na naabot ng kanyang mga ginawa para sa bayan.

Dapat bang dakilain si Rizal? Naniniwala ako na dapat pa rin nating dakilain si Rizal, ngunit hindi sa paraang eksaherado o labis sa katotohanan. Tao si Rizal katulad mo at katulad ko, nagkakamali at nasasaktan, hindi siya isang superhero, at lalong hindi siya Diyos, kaya dapat dakilain natin siya sa paraang akma para sa isang tao. Hindi natin kailangang mag-imbento ng mga ma-alamat na kwento tungkol sa kanya, dahil maging ang mga simpleng katangian niya bilang isang tao ay sapat na upang siya ay tingalaing bayani.

Napapanahon pa ba si Rizal? Ayon nga sa aklat ng Eklesiastes sa Bibliya: “Yaong nangyari ay siyang mangyayari; at yaong nagawa ay siyang magagawa: at walang bagong bagay sa ilalim ng araw.” Nangangahulugan itong maaari tayong matuto mula sa nakaraan dahil maaring maulit sa kasalukuyan ang mga nangyari noon. Dahil dito naniniwala akong napapanahon pa rin si Rizal, maari pa rin nating gamitin ang kanyang mga aral ngunit huwag nating kalilimutang ilagay ito sa konteksto ng ating makabagong panahon.

Hayaan ninyong tapusin ko ang huling DB sa PI 100 gamit ang isa sa aking paboritong linya sa Noli Me Tangere:

“ Naihiwalay ko na ang mga butil ng palay sa ipa, ang katotohanan sa pag-aagam-agam. Nabulagan ako noon. Ngayon ko nakita ang nagnanaknak na kanser na sumusira sa lipunan.”

Sa pagtatapos natin sa asignaturang ito, katulad ni Ibarra, nawa’y naitabi na rin natin ang mga butil ng palay sa ipa at hindi matapos sa loob ng My Portal ang ating gagawing pagkilos para tuluyang masugpo ang kanser ng lipunang patuloy na lumulubha sa pagdaan ng panahon.

Padayon Isko at Iska ng UPOU!

References:

Constantino, R. (1970). Veneration without understanding, Dissent and counter-consciousness. Quezon City: Malaya Books,Inc. Accessed 1 July 2013 from http://joserizal.nhcp.gov.ph/Reflections/Veneration/veneration_text.htm

Covar, P. (1991). Ang pagtanggap ng samahang milineryan kay Gat Dr. Jose P. Rizal. In Himalay: Kalipunan ng mga pag-aaral kay Jose Rizal. Manila : Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. 426-442.

De Ocampo, E. (1999). Who made Rizal our foremost national hero, and why? In Zaide, Gregorio and Zaide, Sonia. (1999). Jose Rizal: Life, works, and writings of a genius, writer, scientist, and national hero. Quezon City: All-Nations Publishing Co., Inc. Appendix A.

Karganilla, B. (2003). Philippine Institutions 100. UP Open University.

Ocampo, A. (2012). Why Rizal is the National Hero. Rizal Without the Overcoat. Mandaluyong City: Anvil Publishing Inc.

Quibuyen, F. (1996). Rizal and the Philippine Revolution

Anong say mo?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s