Sa isang working-student na katulad ko, wala na akong panahon upang maglakwatsa. Kaya pagkatapos ng isang nakakapagod na araw sa trabaho, deretso na agad ako sa bahay upang magpahinga.
Ang aming opisina ay nasa Makati at ako ay kasalukuyang nangungupahan sa isang maliit na apartment sa Maynila. Para makatipid sa pamasahe, mula Makati, araw-araw akong nakikipagsiksikan sa mainit na PNR train para makauwi sa aking apartment. Mint House ang tawag ko sa apartment na ito dahil katulad ng isang mint-flavored gum, may kakayahan itong palamigin ang aking ulo at i-relax ang aking isipan. Hindi ako mag-isang naninirahan dito, sa katunayan anim na makukulit na kabataang lalaki, na pawang nasa kolehiyo ang kasama ko dito. Mas matanda ako sa kanila, kaya parang ako na rin ang tumatayong magulang nila. Kaming pito ay pinagtagpo ng kapalaran sa isang dormitoryo tatlong taon na rin ang nakararaan. Napilitan akong umalis sa dormitoryong ito dahil sa sobrang higpit ng pamamalakad ng katiwala. Sa madaling sabi, sumama sa aking pag-alis ang mga batang ito at sama-sama kaming napadpad sa aming Mint House — ang aming naging pangalawang tahanan sa gitna ng mabangis na lungsod.
Hindi na mabilang na halakhakan, kulitan at asaran ang aming pinagsaluhan. Masaya. Maingay. Magulo. Ito na ang depinisyon ng Mint House para sa akin. Ngunit may isang pangyayari na lubos na nagpabago ng aking pagtingin sa Mint House. Ito ay ang masaklap na balitang pumanaw na ang ama ni Kevin, isa sa anim kong anak-anakan.
Buwan ng Setyembre taong kasalukuyan (2012) ng gulantangin kami ng balitang ito. Pag-uwi ko sa Mint House mula sa trabaho, bumungad sa akin ang nakangiting si Renz na gumagawa ng kung anumang proyekto niya sa aming maliit na sala, nasa tabi niya si Kevin na nagtitipa naman sa aming lumang-lumang desktop computer. Ang iba naman ay naghahanda na para pumasok sa Unibersidad o natutulog pa sa kwarto. Normal na tagpo ito. Isang ordinaryong tanawin sa loob ng Mint House. Dahil hapong-hapo ako sa trabaho, tinungo ko na ang aming kwarto upang matulog na. Nakahiga na ako at malapit ng makatulog ng biglang pumasok si Kevin at nagwikang, “Kuya Lou wala na si Papa.” Matapos niyang bigkasin ang mga katagang ito, lumapit siya sa akin at yumakap habang tila batang inagawan ng kendi dahil sa kaiiyak. “Kanina pa kita hinihintay Kuya Lou, kasi alam ko na ikaw ang makakaunawa sa akin,” dagdag pa niya. Hindi ko na rin maiwasang lumuha, pinagsaluhan namin ni Kevin ang mapait na sandaling iyon.
Atake sa puso ang ikinamatay ng tatay ni Kevin, isang taxi driver na ilang beses ko na ring nakadaupang-palad sa tuwing maghahatid ng pa-isa-isandaang allowance ni Kevin sa Mint House. Sabi ni Kevin, hindi na raw siguro kinaya ng kanyang ama ang mga problema sa buhay kaya sumuko na ito. Bago umalis si Kevin pauwi ng probinsya noong umagang iyon para sa lamay ng kanyang ama, yumakap ulit siya sa akin habang lumuluha at bigla akong hinalikan sa noo. Ako naman, kasama ang iba ko pang mga anak-anakan ay tila nakagat ng ahas na pinagmamasadan siya habang papalayo sa Mint House. Tulala kami dahil sa awa kay Kevin. Ano na ang mangyayari sa kanya ngayong wala na ang kanyang ama? Isang kabataan na naman ba ang masisira ang pangarap dahil sa malupit na lipunan kung saan mayayaman lang ang may karapatang mangarap? Makababalik pa ba si Kevin sa Mint House upang ipagpatuloy ang kanyang mga pangarap.
Kinagabihan, pagpasok ko sa opisina, nagpaalam agad ako sa aking boss na ako ay mawawala ng ilang araw para dumalo sa lamay ng ama ni Kevin. PAg-uwi ko kina-umagahan, pinaghanda ko na ang mga bata ng mga gamit nila dahil tutulak kami papunta sa probinsya ni Kevin sa kinahapunan. Tulong-tulong kaming humingi ng abuloy sa aming mga kaibigan upang kahit papaano’y may mai-abuloy kami sa lamay. Malaking bagay ito sa pamilya ni Kevin. Katulong ko din ang mga bata sa pamimili ng mga pwedeng dalhin sa lamay, katulad ng mga biskwit, kape, at mga pika-pika. Buti na lang at may naitatabi pa akong maliit na halaga noon na siya namang ginamit naming pamasahe.
Halos maghahating-gabi ng kami ay dumating kina Kevin, bumungad sa aming harapan ang isang maliit na tahanan nila, mas maliit pa sa aming Mint House. Kapansin-pansin din na iilan lang ang nakikipaglamay. Pinaghanda kami ng sopas ng ina ni kevin, isang matabang na sopas na halos walang kasahog-sahog, simbolo ng kanilang kasalatan sa buhay.
Umuwi din kaagad kinabukasan ang aking ibang mga anak-anakan dahil kailangan nilang pumasok sa kanilang mga klase. Samakatuwid, ako lang ang nakasaksi sa libing ng ama ni Kevin. Inalalayan ko siya mula bahay, simbahan at sementeryo. Kitang-kita ko kung paano pala kahirap ang maglibing ng isang mahal sa buhay. Kitang-kita ko kung paano tila inililibing din ang pangarap ni Kevin at ng kanyang mga kapatid habang inililibing ang kanilang ama.
Matapos ang libing, sinamahan ko si Kevin pabalik sa kanilang tahanan. Hindi na kami sumabay sa kaniyang mga kamag-anak na nasa isang dyip, bumukod na lang kami ng traysikel. Pagdating namin sa kanila, niyakap ulit niya ako at muling hinalikan sa noo . ” Kuya Lou, ikaw lang ang kaibigan na nakita kong hindi ako iniwan sa mga panahong kailangan ko ng kaibigan. Maraming-maraming salamat na lagi kang nasa tabi naming lahat kapag kailangan ka namin. Mahalaga ka sa amin Kuya Lou” Hindi ko maiwasang maiyak sa winikang ito ni Kevin. Ito ang pinakamasayang pangyayari sa aking buhay. Isang sandali kung saan nalaman kong mahal din pala ako ng mga anak-anakan ko.
Masaya. Maingay. Magulo. Ganyan lang kababaw ang depinisyon ko ng Mint House dati, ngunit dahil sa pagpanaw ng ama ni kevin nalaman ko na hindi lang pala ito ang kahulugan ng Mint House dahil ang Minth House pala ay isang lugar kung saan pitong kabataan ang sama-samng bumuo ng kanilang mga pangarap, sama-samgn bumuo ng pagkakaibigang walng katulad, sama-samng bumuo ng isang pamilyang hindi masisira ng kahit ano pa mang unos. Alam kong marami pa kaming haharaping mga pagsubok sa hinaharap, ngunit pipilitin naming manatili ang aming Minth House — ang aming pangalawang tahanan sa gitna ng mabangis na lungsod.
_________________________________________________________________________________

Anong say mo?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s