Isulong ang wikang Filipino bilang pangunahing wika ng pagtututo at pagkatuto. Ipagtanggol ang papapa-unlad ng iba pang wikang rehiyonal upang maging katuwang nito. Igiit ang paggamit ng wikang Filipino sa lahat ng larangan at sangay ng karunungan. Hikayatin ang pamunuan ng Unibersidad ng Pilipinas(UP) na manguna sa pagtataguyod ng mga simulaing ito.
________________________________________________________________________________________________
KALAGAYAN NG WIKANG PAMBANSA
Mahigit pitong dekada na ang lumipas ng tayo ay magkaroon ng wikang pambansa, ngunit magpahanggang ngayon hindi pa rin natin masasabing lubos nga ang pagpapahalagang ibinigay natin dito. Sa katunayan, usapin pa rin magpahanggang ngayon kung may kakayahan nga ba ang wikang Filipino na makipagsabayan sa iba pang global na wika ng mundo.
Nakakatuwang isipin na ang Pilipinas lamang ang may taunang pagdiriwang para sa sariling wika. Tuwing Agosto, buong giliw na ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika sa loob ng ating mga paaralan. Kaliwa’t kanan ang mga palatuntunang nagtatampok at nagbubunyi sa ating sariling wika. Walang masama sa pagdiriwang na ito, ngunit naisasabuhay ba natin ang mensaheng nakapaloob dito?
Ang lumolobong bilang ng mga Pilipinong hindi maaalam magsalita at magsulat sa wikang Filipino ay isang malaking patunay na sa natitirang labing-isang buwan ng taon ibang wika na ang ating itinatampok at ipinagbubunyi.
Nakaliligalig ang katotohanang marami sa atin ang hindi mahusay mag-Filipino, kadalasan mas mainam pa nga tayong mag-Ingles na hindi naman katutubo sa atin. Dahil dito mahigpit kong iginigiit ang pag-gamit ng Wikang Filipino sa lahat ng antas ng pagkatuto. Ito ay malinaw na sinasang-ayunan ng ating Kontitusyon na matatagpuan sa Artikulo XIV Seksiyon 6 na nagsasabing: “Sang-ayon sa mga probisyon ng batas at sa kung ano ang nararapat ayon sa Kongreso, magsasagawa ng hakbang ang gobyerno upang masimulan at maipagpatuloy ang paggamit sa Filipino bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon”.
Ngunit sa maraming taong nagdaan, alam nating Ingles ang higit na ginagamit na wika sa loob ng ating mga paaralan. Para saan pa ang pedestal na ibinigay ng ating Konstitusyon sa ating wikang pambansa kung ito ay hindi naman pala ginagamit na wika ng pananaliksik at pagkatuto? Natatakot ba tayong bumaba ang kalidad ng edukasyon kung Filipino ang gagamiting midyum sa pagtuturo? Ilan taon na nga ba tayong kulelat sa mga internasyunal na pagsusulit sa Agham at Matematika? Ito ang nagpapatunay na hindi Ingles ang sagot sa ating nabubulok na sistema ng edukasyon. Dapat din nating isaalang-alang ang mga rekomendasyon ng mga malawakan at pambansang pag-aaral tulad ng Congressional Commission on Education Report(EdCOM) na nagsasabing mas mabuting gamitin ang unang-wika o lingua franca ng mga mag-aaral tungo sa mas mabisang pagkatuto. Hindi na ako magtataka kung bakit pinakamataas ang mga grado na nakukuha sa mga internasyunal na pagsusulit ng mga kabataang nagsipag-aral gamit ang kanilang sariling mga wika, katulad ng mga Koreano at Hapones.
Marapat lamang na Filipino ang gamiting wika sa pagtuturo at pag-aaral sa lahat ng displina ng kaalaman at sa lahat ng antas ng edukasyon sa ating bansa sapgkat ito ang ating pambansang wika. Ito ang wika ng ating pagka-Pilipino.
Isulong ang wikang Filipino bilang pangunahing wika ng pagtututo at pagkatuto! Isulong!
______________________________________________________________________________________________
KALAGAYAN NG MGA WIKANG REHYUNAL
Maliban kay Pangulong Quezon, si PNoy na siguro ang tanging pangulong tunay na nagpamalas ng masidhing pagmamahal sa ating mga wika. Filipino ang gamit niya sa kanyang mga nakaraang SONA. Filipino din ang madalas na gamit niya sa kanyang mga panayam sa radyo at telebisyon. Bukod dito, tanging sa administrasyon niya naipatupad ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MLE) na kilala din sa tawag na DepEd Order No. 74, series of 2009. Sa ilalim ng MLE, gagamitin ang labindalawang pangunahing wikang rehyunal bilang midyum ng pagkatuto sa mga paaralang primarya sa buong bansa. Matagal na itong inererekomenda ng Summer Institute of Linguitics at EdCOM Report sa Kagawaran ng Edukasyon, ngunit ngayong taon lamang ito lubusang naipatupad.
Sang-ayon ako sa MLE dahil napatunayan na ng mga pananaliksik na mas magiging mabilis ang pagkatuto ng mga bata kung ang wikang gagamitin sa pagtuturo ay iyong wikang ginagamit nila sa kanilang tahanan. Bukod dito, maibabalik din sa sistema ng edukasyon ang kultura at tradisyong nakapaloob sa isang wikang rehyunal katulad ng mga awiting-bayan, tula at epiko. Dahil sa MLE, mas magiging makabayan ang ating mga kabataan dahil mas mauunawaan at pahahalagahan nila ang kanilang etnisidad. Uunlad din ang panitikan ng mga wikang rehyunal na dati ay sa pasalita na lamang ginagamit dahil mas maraming akda na ang maisusulat gamit ang mga wikang kaysoo noong hindi pa sila ginagamit sa sistema ng edukasyon.
Subalit nakalulungkot na ang labindalawang pangunahing wikang rehyunal lamang ang magagamit sa MLE sa kabila ng katotohanang may mahigit na 100 wika mayroon tayo. Paano na lamang ang mga wika ng mga katutubong kabilang sa maliliit na tribo? Hahayaan na lamang ba natin na unti-unting mamatay at mawala ang mga wikang ito? Hahayaan na lang ba nating kasamang mamatay ang mga tradisyon at kulturang kakambal ng mga wikang ito? Alam ko na nagsisimula pa lang ang MLE, ngunit sana, sa lalong madaling panahon ay magamit din ang iba pang maliliit na wika ng Pilipinas bilang wika ng pagtututo at pagkatuto.
Batay sa Konstitusyon ng 1987, Artikulo XIV, Sek. 6: “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.” Tunay nga na magiging katuwang ng wikang Filipino ang mga wikang rehyunal sa pagpapalaganap ng diwang makabayan sa ating bansa.
Ipagtanggol ang papapa-unlad ng iba pang wikang rehyunal sa Pilipinas!Suportahan ang pagpapatayo ng mas marami pang sentro sa araling rehyunal!
Hikayatin ang pamahalaan na gamitin sa sistema ng edukasyon ang iba pang wika sa ating bansa gaano man karami o kaunti ang gumagamit nito!
_____________________________________________________________________________________________
PAPEL NG WIKANG FILIPINO SA LIPUNAN
Napag-iwanan na ang Pilipinas ng mga karatig-bansa nito sa Asya pagdating sa pagtangkilik sa sariling wika tulad ng Japan, Malaysia at Indonesia. Ang mga bansang ito ay may pambansang wika at ito ang ginagamit ng lahat — mula sa mga simpleng mamamayan hanggang sa mga namumuno sa pamahalaan. Ang pambansang wika nila ang ginagamit sa lahat ng aspeto ng lipunan: Edukasyon, komersyo at pamahalaan.
Samantalang dito sa atin pinagtatalunan pa rin kung karapat-dapat bang gamitin sa lahat ng displina ang wikang Filipino, lalo na sa pagtuturo ng Agham at Matematika. Mahirap daw kasing ituro sa Filipino ang dalawang asignaturang ito dahil marami daw kasing teknikal na termino ang ginagamit sa mga asignaturang nabanggit ang walang katumbas sa Filipino. Sa katunayan, syon kay Ma. Nympha Beltran ng UP Integrated School, magpasahanngang ngayon hindi pa rin natin matukoy kung ano ba ang dapat nating itawag sa dalawang asignaturang ito: Sayans, Siyensiya o Agham? Matematiks, Matematika o Sipnayan?
May ibang pananaw naman ang dating direktor ng Sentro ng Wikang Filipino na si Virgilio S. Almario sa pagsasa-Filipino ng mga teknikal na termino. Naniniwala siya na sa halip na Tagalog lamang ang pagmulan ng panumbas bakit hindi na lang tayo umimbento ng mga bagong salita gamit ang iba pang wika sa Pilipinas. Sa ganitong paraan mapagyayaman natin ang Filipino gamit ang ating mga katutubong wika bago tayo humiram ng mga salita sa mga banyaga.
Ganito rin ang pananaw ni Propesor Jayson Petras ng UP Diliman, para sa kanya nagkakamali tayo kung Ingles lang ang tanging wika ng Agham at Teknolohiya. Nasanay lang daw tayong mag-angkat ng mga aklat na nakasulat sa Ingles dahil kombinyente ito, ngunit kasabay nito ay naangkat din natin ang mga kaalaman at pananaw ng mga Kanluranin na wala namang kabuluhan sa konteksto ng Pilipinas. Ayon sa kanyang artikulong, Kabuuang Talakay sa Wika, “Sa katunayan, sa wika ng Hanunuo Mangyan ng Mindoro, matatagpuan ang 1500 specie ng halaman, 450 specie ng hayop at 30 uri ng lupa – higit sa kayang ibigay ng taksonomiya ng Kanluran. Ngunit napag-aaralan ba natin ito sa paaralan? Hindi ba’t nakapanghihinayang ang ganitong kaalamang hindi makarating sa atin dahil sa pagkabulag natin sa Ingles? Hindi ba’t mas mainam na matutuhan natin ang mga ito kasabay ng mga kaalamang maukuha sa wikang Ingles? Mas bentahe sa atin ito kung magkataon.”
Hindi lang sa larangan ng edukasyon ito usapin, maging sa pamahalaan. Ayon kay Abueva Ingles ang karaniwang gamit ng ating mga kinatawan sa kanilang mga talumpati at talakayan sa Kongreso dahil magsisimulang magsalita sa kani-kanilang wikang rehyunal ang ibang kinatawan kapag Filipino na ang ginamit na midyum, lalo na iyong mga nagmula sa Visayas at Mindanao na Bisaya ang alam na wika. Dapat umanong maunawaan ng mga kinatawang ito na aksidente ng kasaysayan kung bakit Tagalog at hindi Bisaya ang naging batayan ng wikang Filipino.
Kapag nagkaisa ang ating mga pinuno na gamitin ang Filipino sa lahat ng gawain ng pamahalaan – lehislatura, hudikatura at ehekutibo – mas marami ang makikinabang. Dahil alam naman nating lahat na mas marami pa rin ang nakakaunawa sa Filipino kaysa Ingles. At kung Ingles naman ang patuloy nilang tatangkilikin, parang pinagkaitan na rin nila ang kalakhan ng mamayan ng karapatang makisangkot sa mga usapin ng bayan.
Kaya marapat lang na igiit natin na gamitin ang Filipino sa deliberasyon sa lehislatura at pagsulat ng mga batas, pag-isyu ng mga direkto at kautusang ehekutibo, pagbubuo ng mga pambansang patakaran, paghahanda ng mga impormasyong pampubliko, pagdaraos ng paglilitis at pagpapasya ng hukuman, pagsulat ng memorandum at iba pang komunikasyon, pagbuo ng mga opisyal na porma/dokumento (lisensiya, sertipiko, pasaporte, at iba pa) at paglikha ng mga tungkulin at gawain ng estado.
Nakahihiyang Filipino ang nakalagay sa ating Konstitusyon ngunit hind naman natin talaga ito ginagamit. Nakalulungkot na ang pananaw ng karamihan sa atin ay inferior pa rin ang Filipino, kaya ang Ingles ang ating pilit na niyayakap. Walang masama na tayo ay maging mahusay sa Ingles sapagkat ito ang wika ng mundo ngunit tandaan natin na ang wikang Filipino ang wika ng ating lahi. Ito ang magsisilbing mukha at kaluluwa natin sa mundo.
Hindi pa huli ang lahat. Igiit natin na gamitin ang ating wika sa lahat ng aspeto ng lipunang Pilipino lalong-lalo na sa larangan ng edukasyon at pamahalaan!
______________________________________________________________________________________________
ANTAS NG WIKANG FILIPINO SA UP
Dalawpung-tatlong taon na ang nakalilipas ng pagtibayin ng dating Pangulong ng UP Jose Abueva ang isang patakaran sa wika na naglalayong iangat ang lebel ng wikang Filipino sa ating Unibersidad. Ano na nga ba ang narating ng patakarang ito? Tunay bang naingat ang lebel ng wikang Filipino o inferior pa rin ito sa Ingles sa loob ng ating Unibersidad ?
Malinaw na isinasaad ng patakarang sa wika ng Unibersidad na Filipino ang gagamiting midyum ng pagtuturo sa antas na di-gradwado. Ngunit magpahanggang ngayon, iilang departamento lang ang tunay na sumusunod dito. Sa katunayan dahil sa Revitalized General Education (RGEP), maaari na tayong makapagtapos sa Unibersidad ng hindi man lang nadaanan ang mga kursong Filipino ang gamit – katulad ng Kasaysayan 1 at mga kurso sa Komunikasyon. Kung seryoso talaga ang pamunuan ng ating Unibersidad na iangat ang antas ng Filipino sa UP dapat ay isulong nila na lahat ng mag-aaral sa UP, maging ang mga dayuhang exchange-studnet ay hindi makapagtatapos kung hindi sila dadaan sa mga asignaturang katulad ng Kas1 at Kom1 na itinuturo sa Filipino. Dapat ding maglaan ng pondo ang ating Unibersidad upang mas maraming pang aklat at gamit sa pagtuturo mula sa iba’t ibang disiplina ng kaalaman ang maisalin sa wikang Filipino.

Naniniwala ako na malaki ang maitutulong ng ating Unibersidad upang maitaas ang lebel ng wikang Filipino at tuluyan ng mabura ang maling paniniwala ng karamihan sa atin — na wala itong kakayahang maging wikang intelektwal.
Hikayatin ang pamunuan ng ating Unibersidad na manguna sa pagpapalaganap, pagtataguyod at pagpapayaman sa Wikang Filipino bilang wika ng pananaliksik at pagtuturo!
______________________________________________________________________________________
ISKO AT ISKA NG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS, MANGUNA SA PAGTATANGGOL SA WIKANG FILIPINO!
ISKO AT ISKA NG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS, MANGUNA SA PAGTATAGUYOD SA WIKANG FILIPINO!

Comments
  1. Anonymous says:

    tnx at nalaman kuh dn!!!!!!!!!!!!

  2. Anonymous says:

    sino po author nito ?

  3. Yra XD says:

    sino pong author nito?

  4. Maydelyn :D says:

    Salamat dito may sagot na ako sa assignment ko😀

  5. Kyla Rodriguez says:

    Maraming salamat sa tulong Ipinagmamalaki ka ng Pilipinas

Anong say mo?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s