Pagbangon (Kwento ng Isang Working Student)

Posted: May 18, 2012 in Personal
Tags: , , , ,

 

“Huwag ka munang umuwi bukas, sa isang linggo na lang. Isang daan na lang ang pera namin. Wala akong mailulutong matinong pagkain sa’yo. Madadamay ka lang din sa kagipitan [namin]. Sige, huwag kang magpapabaya diyan.”

Hindi ko inasahang sasambulat ang mga salitang ito pagmulat ko ng mga mata nitong Sabado ng umaga. Muli, hindi pumalya ang aking cellphone na gisingin ako. Subalit sa pagkakataong ito, hindi ang eskandalosong alarm clock nito ang nagpabangon sa akin. Hinatak ang mga paa ko ng mensaheng ito mula sa nanay kong bihirang magpadala ng text message.

Sa mga oras na ito, hindi pa malinaw sa akin kung ano ang gagawin. Hindi ko rin nais na sumagot sa mensahe ng nanay ko kung wala rin lang maitutulong ang sasabihin ko sa suliranin nila. Wala akong sobrang pera at pilit ko lang na pinagkakasiya ang kakarampot na sahod upang masigurong buhay pa ako sa bawat araw ng pagpasok sa paaralan at sa trabaho. Subalit mas nakalulungkot isipin na hindi natatangi ang aking kondisyon.

Sa pagsapit ng gabi, pinagbibigkis ng mga kalam ng sikmura namin ang kapwa ko mga estudyante sa loob ng isang de-aircon na opisina. Isinusuka man ang trabahong tumanggap ng tawag mula sa mga di-kilalang tao (kasama na rin ang kanilang paninigaw at panlalait), pilit naming nilulunok ang dangal maitawid lang ang pag-aaral. Pagod man ang almusal kinaumagahan, sa huli, babalik at babalik pa rin kami sa opisina pagsapit ng hapunan.

Ngunit may mga nagsasabing mapalad pa rin kami bilang mga working student. Una, apat hanggang anim na oras lamang ang ipinapasok namin sa opisina sa loob ng isang araw. Kaiba ito sa karaniwang siyam na oras na trabaho. Mataas din sa karaniwan ang aming sahod kaya nagagawa rin naming tulungan kahit paano ang pamilya.

Bukod dito, hindi nabibigyan ang lahat ng pagkakataon na kumita ng pera habang nag-aaral. Madalas, nahihinto na sa pag-aaral ang isang estudyante kung wala na siyang pagkukunan ng salapi. Bukod pa rito ang katotohanang maraming nakakapagtapos ng pag-aaral nang walang nakukuhang trabaho.

Mahirap mang mag-aral at magtrabaho nang sabay, konswelong maituturing marahil ang kilalanin ng ibang tao kahit paano ang mga pagsasakripisyo namin. Subalit isang kabalintunaang maituturing na kailangan naming magsakripisyo makapag-aral lamang. Nakapanlulumong isipin na nanggagaling sa sarili naming mga bulsa ang pambili ng karapatang makapag-aral.

Ganito marahil ang bagong tungkulin ng kabataan bilang pag-asa ng bayan.

At paglipas ng dalawa o tatlong taon, makatatapos na ng pag-aaral ang karamihan sa amin. Hindi kailanman nawaglit sa isip namin ang mga pangarap sa buhay subalit nakalulungkot isiping hindi pa rin kami nakasisigurong maaabot ang nais tahakin. Pesimista mang maituturing, subalit dala ng materyal na kondisyon, hindi kataka-takang bumalik lang din ang karamihan sa amin sa nakagisnang hanapbuhay.

Wala akong sinisisi sa kinahinatnan ko ngayon. Kahit tungkulin ng mga magulang kong pag-aralin ako, dala ng matindi nilang pangangailangan, ako na lang din ang gumagawa ng paraan upang makapasok sa paaralan. Hindi nila kasalanan kung sadyang napakamahal ang magpaaral sa kolehiyo at kung pribilehiyo na lamang ang edukasyon, imbes na maging karapatan ito ng lahat.

Marahil maraming magsasabing marami namang scholarships na maaari kong pasukan upang makapag-aral, kung isinusuka ko na ang trabaho. At kung tunay na mahusay ako, makukuha ko ito. Subalit gaya ng pagkakataong makapagtrabaho, hindi nabibigyan ang karamihan ng pagkakataong makakuha ng scholarship.

Sa huli, isang isyu ng pagpili na lamang, kung mabibigyan ng pagkakataon, ang pagtatrabaho at pagkuha ng scholarship kung nais gawan ng paraan ang pag-aaral. Pinili ko ang pagtatrabaho upang tugunan ang materyal na pangangailangan na labas sa pag-aaral. Kailangan kong buhayin ang sarili.

At sana kaya ko ring tugunan ang materyal na pangangailangan ng mga magulang ko. Sana, kaya ko silang buhayin. Hindi ko pa rin alam kung ano ang isasagot sa mensaheng iyon. Ito ang unang pagkakataong sinabi ng nanay kong huwag muna akong umuwi dahil halos wala na rin silang makain. Marahil maaari akong mag-abot ng kaunting pera; hindi ko unang pagkakataong gagawin ito. Manghihiram na lang ako kung kakapusin.

Subalit hindi ko alam kung hanggang saan aabot ang kaunting tulong na maibibigay ko. Hindi ko alam kung kailan ang sahod ng tatay ko, o kung pinasahod nga ba siya.

O marahil babalik na lang ako sa pagkakahiga. Sabado ngayon, araw ng pahinga. Dapat walang problema. Ipipikit ko na lang muli ang mga mata.

Subalit sa muling pagmulat, nariyan pa rin ang realidad. Walang magbabago kung tatakpan lamang ang mga mata. Marahil, kailangan ko nang kumilos ngayon.

-K.C. Reyes

(Kaibigan ko, Kapwa ko working student, isinatitik niya ito noong Mayo ng nakaraang taon)

First published by The Death Authors Society (www.deadauthorssociety.wordpress.com)

Anong say mo?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s