Para sa Aking Ama’t Ina

Posted: May 16, 2012 in Personal
Ako ang pinakabata sa aming apat na magkakapatid, at ako marahil ang tanging nakaranas ng kahirapan sa murang gulang sa aming lahat. Ni hindi ko naranasang makapag-aral sa isang pribadong paaralan, at yaong mga panahong maganda pa ang trabaho ng aking Ama kaya’t sagana ang aming kabuhayan ay hindi ko na maalala, dahil marahil sa labis kong kamusmusan, sa makatuwid ay hindi ko rin ito naramdaman, ngunit nagpapasalamat na rin ako, dahil namulat ako sa tunay na hirap ng buhay. 

Natutuwa ako tuwing nakakakita ako ng bahaghari, pagkatapos ng isang malakas na ulan na nagpalusak sa aming tirahan dahil sa butas-butas na bubong nitong taglay. Pinapaalala nito sa akin na may kaginhawahan din kaming mararanasan pagkatapos nitong aming kahirapan.

 

Nagkaisip ako sa isang pamilyang mahirap sa materyal na bagay ngunit mayaman sa pagmamahal na hindi kayang tumbasan ng anumang materyal na bagay at hindi kayang bilhin ng gaano man kalaking halaga. Tuwing umaga, hindi pa sumisikat ang araw, ang aking Ama ay gising na upang mamasada, madalas ay gabing-gabi na kung siya ay makabalik sa aming tirahan, tila ba’y pagod na pagod, ngunit hindi parin sapat ang kita upang mapagkasya sa buong araw naming gastusin, kaya may mga pagkakataong kinukulang kami sa pagkain, ngunit masaya parin kami dahil busog na busog naman kaming magkakapatid sa pagmamahal ng aming mga magulang, at batid kong kailanman ay hindi nila kami pinabayaan, totoong kinukulang kami sa pagkain, ngunit kalian man ay hindi kami nagutom ng aking mga kapatid, dahil isusubo na lamang ng aming mga magulang ay ibibigay pa sa amin, ayaw man naming tanggapin ay kanilang ipipilit at ang laging dahilan ay “busog pa naman kami…”

 

Nasa Ikalawang taon pa lamang ako sa Elementarya ng malayo ako sa aking Ina, dahil sa hirap ng buhay, namasukan siya bilang tagapagalaga ng “mentally retarded” na anak ng isang babaeng taga Novaliches, Quezon City

. Malayo rin ito sa aming tirahan sa Macabebe, Pampanga. Hindi ko malilimutan yaong mga pagkakataon na madalas ay hinahabol ko ang aking Ina habang nakasakay sa isang trycicle papalayo sa aming tirahan, wala akong magawa kundi umiyak at umiyak na lamang habang tuluyang nakikitang papalayo ang trycicle na kanyang sinasakyan, batid kong ilang linggo o buwan na nanaman ang aking hihintayin bago siya muling makita at pagkalipas ng isa o dalawang araw ay muling babalik sa kanyang pinapasukan. Tinitiis ng aking Ina ang pangungulila sa amin para maibigay niya lahat ng aming pangangailangan. Ngunit hindi niya naisip na siya ang tunay naming kailangan, mahirap lumaki na malayo sa isang Ina.

 

Gabi-gabi akong umiiyak dahil sa pangungulila sa aking Ina, hindi kasi ako sanay na matulog na hindi siya ang aking katabi. Madalas akong magkalagnat ng malakas, at sa mga pagkakataong iyon ay walang anumang gamot ang makapagpapagaling sa akin, kundi ang halik at mahigpit na yakap lamang ng aking Ina. Hindi ito minsan lamang na nangyari, kaya’t napagkasunduan ng aking mga Ama’t Ina na doon na lamang ako tumira sa bahay na pinapasukan ng aking Ina. Hindi naging maganda ang buhay ko sa bahay na iyon, dahil hindi kagandahan ang ugali nung babaeng amo ng aking Ina, ngunit masaya na rin ako dahil kahit na papaano kasama ko ang aking Ina, at salamat na lamang dahil napakabait naman nitong kanyang asawa.

 

Nasa Ikatlong taon ako sa Hayskul ng makilala ko ng personal ang Panginoon, labing anim na taon din akong nabuhay sa mundong ito na walang kinikilalang Diyos, ngunit salamat na lamang sa kanya’t binigyan niya ako ng Ama’t Ina na nagsilbi kong kalakasan para harapin ang mga unos ng buhay, at magpatuloy na abutin ang aking mga pangarap, noong mga panahong hindi ko pa siya kilala, at mula noon ay ipinangako ko sa kanya na pag ako ay nakapagtapos ng pag-aaral at nagkaroon ng magandang trabaho ay iaahon ko sa hirap ang aming pamilya at ibibigay ko ang anumang naisin ng aking pinakamamahal na mga magulang, sukli sa sakripisyong ginagawa nila araw-araw para sa amin.

 

Simula ng makilala ko ang Panginoon ay binigyan niya ng kaligayahan ang buhay ko na hindi kayang ibigay ng anumang bagay sa mundo o sinumang tao, at alam kong ngayon pa lamang ay matagumpay na ko dahil sa kanya ko pinagkakatiwala ang anumang landas na tatahakin ko.

 

Ang maging isang Piloto balang araw ay ang matagal ko ng pangarap, ngunit ngayon ay nasa Ikatlong taon na ako sa kolehiyo, at kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Nursing na tila ba’y napakalayo sa propesyong pinapangarap ko, ngunit nag-iba man ang daan na aking tinahak batid kong nandyan parin ang Panginoon na laging nakagabay sa lahat ng aking gagawin at hindi ko parin nalilinutan ang dahilan kung bakit nais kong makapagtapos ng pag-aaral, yaon ay ang maiahon sa hirap ang aming pamilya at maibigay ang lahat ng naisin ng aking pinakamamahal na Ama’t Ina.  Ngayon ay sa Panginoon ko pinagkakatiwala ang katuparan ng aking mga pangarap, na siya kong tunay na kalakasan, mula pa noong una. “To God, Be the Glory, Amen!”

TAKE NOTE: 95 % true story, 5 % drama lang…ehe!!!

 

P.S.: sa grasya ng Lord, Registered Nurse na ko ngayon, and Lord willing, darating yung panahon na Medical Doctor na din ako… GOD IS PROVEN FAITHFUL!

 

Para sa Aking Ama’t Ina

Ni Louderich R. Mercado (bunso kong kapatid)

[June 6, 2008]

Comments
  1. Anonymous says:

    Magaling..dapat tularan..hehehe

Anong say mo?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s