Ang Aking Talambuhay

Posted: May 3, 2012 in Uncategorized

Ako ay isinilang noong Ika-9 ng Pebrero taong 1987.  Ito ay isang taon matapos ang matagumpay na rebolusyon sa EDSA at isang linggo naman matapos pagtibayin ng sambayanan ang Saligang Batas ng 1987. Sa madaling sabi, ako ay isinilang sa isang panahon kung saan ang pag-ibig sa ating tinubuang lupa ang  tunay na namamayani sa puso ng bawat Filipino.
Kapanganakan: Lapis, Notbuk at Rosaryo
Pangatlo ako sa apat na naging anak nina Lody– isang purong Kapampangan at Emy – isang purong Pasigueña. Nagkakilala sila noong napadpad ang aking ama dito sa Maynila upang makipagsapalaran. Mapalad ako dahil mahilig mag-kwento ang aking ina  ng mga nakalipas na pangyayari sa aming pamilya. Ayon sa kanya, ako raw ay ipinaglihi niya sa coke, dinuguan at sisiw na ‘one day old’. Ako raw ay ipinanganak sa aming lumang bahay sa Lunsod ng Pasig. Ang ninang nila sa kasal na kapitbahay namin na isang kumadrona ang tumulong sa kanyang panganganak. Ito rin ang nag-utos sa aking ama na magbaon sa lupa ng isang notbuk at lapis na nakabalot aking pinag-unanan upang ako daw ay lumaking matalino. Samantala, habang ako raw ay kanyang isinisilang, nalaglag daw ang malaking rosaryo na nakasabit sa aming dingding ng hindi nila maipaliwanag.
Nagmistula raw isang pagdiriwang ang aking kapanganakan. Lahat ng aming mga kamag-anak ay dumalaw sa aming bahay upang ako ay makita at nagkataon din daw na nag-uwi ang ang aking ama ng maraming sorbetes noong araw na iyon Ang aking panganay na pinsang babae naman daw  ang nagnagbigay ng aking pangalan na Louderick. na  hango mula sa palayaw ng aking ama na ‘Lody’.
Isang Batang Promdi
Taong 1993 ng kami ay biglaang umuwi ng Pampanga. Musmos pa lamang ako noon kaya wala pa akong pakialam kung ano ba talaga  ang  tunay na nangyari. Ngunit ng lumaon, napag-alaman kong ito ay dahil pala sa sapilitang tinanggal  sa trabaho ang aking ama. Napag-initan siya dahil isa siya sa mga pinuno ng unyon ng mga empleyado na puspusang tumutol sa malawakang kontraktwalisasyon ng mga empleyado sa kanilang kompanya. Nagsimula ang suliraning ito noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino. Ito ay isang matibay na ebidensya ng pagtataksil sa kung anuman ang pinaglaban ng taumbayan sa EDSA. Nagtataka tuloy ako kung bakit binigyan pa natin ng pagkakataon ang kanyang anak na mamuno sa ating bansa, samantalang hindi naman pala maganda ang naging track record ng kanyang ina.
Sa kabilang banda, naging masaya naman ang aking kabataan sa Pampanga. Dito ako nagtapos ng elementarya at hayskul. Naniniwala ako na hindi nagkamali ang aking mga magulang sa kanilang naging desisyong manirahan na lamang kami sa Pampanga sapagkat napakarami kong bagay na natutuhan dito na alam kong hindi ko matutuhan kung kami ay lumaki sa lungsod. Marami rin ang mga ala-alang kailanma’y hindi ko makakalimutan katulad ng walang sawang pag-akyat sa mga punong-kahoy, pagtatanim ng palay sa bukid, paliligo sa Rio Grande de Pampanga, araw-araw na pagwawalis ng aming malawak na bakuran, pag-iigib sa poso gamit ang tambayok, pamimingwit ng isda sa sapa at higit sa lahat ang walang katapusang pakikipaglaro ko sa aking mga pinsan sa ilalim ng araw. Hindi ko maiwasan ang  mapangiti sa tuwing sumasagi sa aking isipan ang mga ala-alang ito. Hindi ko maipagkakaila na masaya pala ang maging isang batang promdi.
Elementarya: Isang Bibong Bata
Ang isa sa pinaka-makulay na yugto ng aking buhay ay nangyari  noong ako ay nasa elementarya pa lamang.  Ito ay ang mga  panahon kung saan ako unang natutong ibahagi ang aking sarili sa iba. Sa mga panahong ito ko rin unang nakilala ang aking mga unang naging kaibigan. Dito ko rin nakilala ang mga taong (babae at lalaki) unang nagpatibok ng aking puso. Higit sa lahat, sa mga panahong ito ko rin nagsimulang buuin ang aking tiwala sa sarili.
Dahil sa aking malamyang pagkilos ako ay laging ginagawang katuwaan ng aking mga kaklaseng lalaki noong kami ay nasa ikalawang baitang pa lamang. Ang tawag pa nga nila sa akin ay “Roderick Paulate” dahil ito ay katunog ng aking unang pangalan. Malalim ang sugat na ginawa ng pangyayaring itong sa akin. Kaya itinago ko ng mahabang panahon ang aking tunay na kulay. Sa aking musmos na pag-iisip, malinaw na sa aking isipan na mahirap pala ang maging isang bakla  lalo na sa isang lipunang sarado ang isipan. Nag-aral ako ng mabuti dahil sa panyayaring ito. Nagbunga naman ang aking pagsisikap dahil ako ang naging pangalawa sa pinakamahusay na mag-aaral sa aming klase noong taon na iyon. Dito na ako nagsimulang makilala bilang isang mahusay na mag-aaral. Hindi na rin ako makuhang gawing katuwaan ng aking mga kaklase dahil may proteksyon na ako mula sa aking mga guro at hindi ko sila pakokopyahin ng takdang-aralin kung nagkataon. Nakuha ko na rin ang respeto ng aking mga kaklase dahil ako na ang palagi nilang pinipili na maging pangulo ng klase.
Noong mga sumunod na taon, nagsimula na rin akong isabak ng aking mga guro sa mga paligsahan sa iba’t ibang asignatura. Pinalad naman akong mapagwagian ang karamihan sa mga ito.  Para sa akin, ang isa sa pinakamahalagang paligsahan na nasalihan ko noong mga panahonh iyon ay ang  Paligsahan sa Kasaysayan kung saan nakuha ko ang unang gantimpla. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit magmula noon naging malapit na sa aking puso ang pag-aaral ng kasaysayan. Mula noon pinangarap ko ng maging isang guro ng kasaysayan. Bukod sa akademics, naging pambato rin ako ng aking paaralan sa Badminton at Chess. Ako ang hinirang na pinaka-mahusay sa aming klase magmula noong ako ay nasa ikatlong baitang pa lamang hanggang sa ako ay magtapos ng elementarya bilang Valedictorian. Minsan, naisip ko tuloy na baka nagkatotoo nga iyong pamahiin ng komadronang nagsabi sa aking ama na magbaon ng lapis at notbuk sapagkat ako nga ay lumaking isang bibong bata.
Hayskul: Buhay Lider-Estudyante
Ang aking buhay sa hayskul naman ang pinaka-masaya at pinaka hindi ko malilimutan. Dito ako nagkaroon ng mga kaibigan na nasasandalan ko pa rin hanggang ngayon. Dito ko rin nakilala ang unang lalaking nagpatibok ng aking puso, sayang hindi ko nasabi sa kanya ang aking nararamdaman dahil natatakot pa rin akong malaman nila ang aking tunay na kulay. Higit sa lahat dito ko natutunang ialay ang aking sarili sa iba. Nahalal akong pangulo ng Sentral na Konseho ng Mag-aaral noong ako ay nasa ikatlong taon pa lamang. Doon ko nalaman na hindi pala lahat ng guro ay tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin dahil sa samu’t saring hinaing na aking nalaman. Para sa akin hindi sapat na dahilan ang maliit na sahod na kanilang natatanggap upang yurakan ang dignidad ng propesyong tinitingala ng mga kabataang katulad ko.  Namana ko yata talaga ang dugong aktibista ng aking ama dahil hayskul pa lamang ako ay natutuhan ko ng ipaglaban kung ano ang tama. Dahil dito ako ay mapalad na nakasama sa mga mag-aaral sa hayskul na ginawaran ng Presidential Leadership Award for Student Leadership ng dating Pangulong Gloria Macapagal – Arroyo. Ito ang pinaka-mahalaga sa lahat ng parangal na natanggap ko.
Sa kabila ng aking pagiging lider-estudyante, hindi ko pa rin napabayaan ang aking pag-aaral. Sa katunayan ako pa rin ang naging pambato ng aking paaralan sa iba’t ibang asignatura. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na ako ang tinanghal na kampeon sa World History Quiz Bee sa buong dibisyon ng Pampanga. Sa kabila ng mga karangalang aking natamo, noong hayskul ko rin natanggap na hindi ako ang pinaka-matalinong tao sa daigdig dahil anuman ang aking ginawang pagsisikap nagtapos lamang ako bilang Salutatorian. Halimaw kasi sa galing  iyong kaklaseng kong babae na siyang naging Valedictorian namin. Siya nga pala ang kaisa-isang babaeng hinangaan ko ng lubos, saying dahil hindi naman kami talo.
Kolehiyo: Isinantabing Pangarap
Naipasa ko lahat ang mga college entrance test na aking kinuha sa tatlong pamantasan.  Ngunit salat kami sa pera at hindi natuloy ang ipinangakong iskolarship sa akin ng aming korap na kongresista sa ika-apat na distrito ng Pampanga kaya mas pinili kong maging isang working student upang tustusan ang sarili. Sa katunayan, katatapos  ko pa nga lang ng hayskul ay nagsimula na akong magtrabaho sa isang tanyag na fastfood chain dito sa Maynila para  kahit papaano’y makapag-ipon. Ngunit malupit yata talaga ang tadhana sa akin, napilitan din akong huminto ng aking pag-aaral dahil nagkasakit ang aking ama. Tiyempo rin na naalis din sa trabaho ang aking panganay na kapatid na siya sanang makakatulong sa akin. Naawa naman ako sa aking mga nakababatang kapatid kung sila ang hahayaang kong huminto ng pag-aaral. Alam kong mas malakas ang loob ko sa kanila at kahit papaano’y kaya ko ng dumiskarte para mabuhay. Maaga akong naging breadwinner ng aming pamilya. Sa mga panahong ito ay unti-unti ng nawala ang aking pag-asa na ako ay makakapagtapos pa sa kolehiyo.
Ilang beses ko ring naisipang sumuko sa mga hamon ng buhay, buti na lamang ay may isa akong naging kaibigan na nagpakilala sa akin sa Panginoong Hesukristo. Dahil sa malaking pagbabago sa akin, naakay ko ang aking buong pamilya upang manampalataya rin sa kanya. Hindi ko alam kung ito ba ang ibig sabihin ng malaking rosaryong nalaglag noong ako ay isinisilang dahil ako pala ang mag-aalis sa kanila sa dati naming panampalataya. Ang aking pananampalataya ang nagbigay sa akin ng ibayong  lakas upang lumaban sa buhay.
Lubos kung naunawaan kung bakit may sungay si Jollibee bago ako  mapadpad sa BPO industry na kahit papaano ay nakapag-bigay sa akin ng disenteng sahod.  Sa awa ng Diyos, napagtapos ko naman sa kolehiyo ang aking mga kapatid. Hindi ko maipaliwanag ang kasiyahang aking nadarama sa tuwing naiisip ko na naging instrumento ako upang maabot nila ang kanilang mga pangarap.
UP: Bagong Pag-asa
“Habang may buhay ay may pag-asa.” Ang kasabihang ito ang tumpak na makapaglalarawan kung ano ang pilosopiya ng aking buhay sa ngayon. Ito na ang panahon upang muli kong abutin ang aking mga isinantabing pangarap. Maayos na ang buhay ng aking mga kapatid kaya naniniwala ako na buhay ko naman ang aking dapat ayusin. Nagpapasalamat ako sa Unibersidad ng Pilipinas dahil sa bagong pag-asang ipinagkaloob nito sa akin. Sa pamamagita4 n ng UP Open University ay maari ko ng matupad ang aking pangarap na makapagtapos ng pag-aaral sa pamantasang aking pinapangarap habang ako ay naghahanap-buhay. Ako ay kasalukuyang kumukuha ng kursong Associate of Arts at kung papalarin, nais ko sanang ituloy ito sa isang kursong may kinalaman sa pagtuturo ng kasaysayan. Naniniwala ako na malaki ang maiaambag ng wastong pagtuturo ng kasaysayan upang mabago ang ating lipunan.
Sa mahigit kumulang na dalawang dekada ng aking buhay ay marami akong natutuhan. Nalaman ko na hindi pala mahalaga kung anuman ang iyong kasarian, karangalan natamo at kayamanang nakamit. Ang mahalaga ay kung paano mo inialay ang iyong buhay para sa iba. Alam ko na malayo pa ang aking tatahaking landas, ngunit alam ko rin na ako ay hindi susuko hangga’t hindi ko nakakamit ang tugatog ng aking tagumpay.

Comments
  1. Anonymous says:

    hi i like your entry post, i think you are a brave man to face the challenges of life with optimism. i admire your intelligence and courage to bring the best of you. how old are you? its a good thing you love philippine history. nowadays filipinos dont give to much notice to their history. sad but true. thanks again, i enjoyed reading your blog.

  2. Anonymous says:

    AH, MAO BA TINOOD NA OR DILI.
    OO GOSTONG GOSTO KO NGA.

Anong say mo?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s